Powered By Blogger

Lunes, Mayo 19, 2014

Mi Último Adiós Ko ☺


      
          Ang Philippine Institution 10 ay isang napakagandang kurso. Subalit naniniwala rin ako sa aming guro na sana dumating ang araw na mawala na ang kursong ito. Hindi na dapat satin itinuturo ang nasyonalismo, kinakailangang taglayin na natin ito. Bilang isang Pilipino, tungkulin nating mahalin at magsakripisyo para sa ating bansa. Masaya ang PI10, kinikilabutan talaga ako kapag nagkaklase at mas lalo kong nararamdaman ang pagka-PILIPINO ko. Napapa - "oo nga no" moment ako palagi sa discussion. Keep it up po! God bless po!
   

Sa Bukid walang Papel

Week 4
Los Agricultores Filipinos


      Napakahalaga ng agrikultura sa ating bansa. Hindi natin maipagkakaila na mapaparalisa ang ibang industriya kung wala ang agrikultura. Subalit sa kasalukuyan, nakakalungkot isiping napapabayaan na ang sektor na ito. Maraming pondo ngunit sa iba lamang napupunta ang pera, sa bulsa ng mga kurakot sa gobyerno. Mayaman tayo sa batas, samakatuwid, maganda ang pagkakasulat sa papel ngunit ang papel ay hindi nakakarating sa bukid, samakatuwid, hindi rin naipapatupad.
        Ang akda ni Dr. Rizal na ito ay isang pagpapakita na noon pa man ay wala o kulang na ang karapatan ng mga magsasaka. Inaabuso at kulang na kulang ang tulong mula sa gobyerno. Wala na ngang prayle o tulisan ngayon pero mayroon pa ring mga Pilipino ang gahaman sa lupa. E kung tutuusin nga ay konti lang ang kailangan nilang lupa para mabuhay (konting lupa lang ang kanilang kailangan kapag sila ay namatay, yung paglilibingan lang nila). Nakakaawa ang mga magsasakang Pilipino kung ikukumpara natin ang mga magsasaka sa ibang bansa kung saan itinuturing sila bilang mga "white-collar" employees. Binibigyang halaga ang mga magsasaka sa ibang bansa dahil alam nilang kung wala ang mga ito, wala silang makakain.
      Nakakainis nga ang mga Kastila noon, biruin mo pinalayas ang mga Pilipino sa sarili nilang lupa. Ang mga Pilipino na ang nagtatrabaho ngunit ang ani at ang bayad ay napupunta pa rin sa mga kastila. Kalokohan di ba?
      Sa bukid walang papel. Sa bukid walang perang papel kundi barya lamang ang kinikita ng mga magsasakang Pilipino. Kailangang mabigyan sila ng sapat na atensyon mula sa pamahalaan. Alam ni Dr. Jose Rizal ang pakiramdam kung paano agawan ng lupain kaya sa aking palagay ang akda niyang ito ay naglalayong isulong ang karapatan ng mga magsasaka. Dahil kung walang magsasaka, may makakain kaya tayo?
 

Ang Nakaraan at ang Kasalukuyan

Week 4
Filipinas detro de cien anos


      Napakaimportante talaga ng nakaraan dahil ang mga pangyayari sa kasalukuyan ay resulta ng mg apangyayari noon. Sa masusing pag-aaral ng nakalipas, maaari nating mahulaan o makutuban ang maaaring mangyari sa hinaharap. Kahit minsan, hindi pumasok sa aking isipan ang suriin ang nangyayari sa kasalukuyan at ang mga mangyayari sa hinaharap. Ngunit iba talaga si Dr. Jose Rizal at nagawa niyang pag-ugnayin ang nangyayari sa panahong iyon at ang mangyayari o ang kinabukasan ng ating bansa. Hindi naman manghuhula si Dr. rizal, matalino lamang siya at kritikal kung mag-isip.
        Dahil dito, napapaisip tuloy ako kung ano nag mangyayari sa Pilipinas pagkalipas ng isang daang taon. Magiging numero uno na kaya tayo sa Asya? Magiging lider sa teknolohiya? Lalawak kaya ang ating teritoryo o magiging kolonya ulit tayo? Ano man ang mangyari sa hinaharap, ang araling ito o ang isinulat ni Dr. Rizal na ito ay magpapaalala sa akin na napakahalaga ng kasaysayan o ang mga pangyayari sa nakaraan. Napaalalahanan din ako nito na maging maingat sa mga gagawin o aksyon ko sa kasalukuyan dahil may epekto ito sa hinaharap.
 

Babae po AKO!

Week 4
Ang Liham ni Dr. Jose Rizal sa mga Kadalagahan sa Malolos


       Paano kaya kung ngayon nagsulat si Dr. Rizal para sa mga kababaihan ng ating bansa? Ano kaya ang sasabihin niya.
       Ang Liham para sa mga Kababaihan ng Malolos ay nagpapakita ng kahalagahan at katangian ng isang babaeng Pilipino. Ang pinakagusto kong bahagi ng diskusyon sa klase ay ang katagang "Educate the women and you educate the Nation". Totoo nga naman ito dahil ang ating mga ina ang una nating guro. May mga binanggit din sa akdang ito ang mga katangian ng mga kalalakihang dapat hanapin ng isang babae upang maging asawa (may ganoon!). Ang sulat na ito ay hindi lamang nagpapakita ng pagpapahalaga sa mga kababaihan kung hindi nagsasabi ding palakasin ang mga mga kababaihan sa pamamagitan ng edukasyon. Subalit sa kasalukuyan, mataas pa din o malaki pa din ang pagitan ng babae at mga lalaki (gender inequality). Mas malaki ang pabor na natatanggap ng mga kalalakihan at mas maraming oportunidad. Kung ating aalalahanin, ang "women empowerment" ay nakasaad din sa Millenium Development Goals", subalit napalaki pa rin ng pagpapahalaga sa mga lalaki kaysa sa mga babae.
        Mabalik tayo sa unang katanungan, ano kaya ang sasabihin ni Dr. Jose Rizal sa mga kababaihan ngayon? "Mga kababaihan ng Pilipinas, magsiayos kayo!", ganyan kaya? Napakalaki na kasi ng ipinagbago ng mga kababaihan ngayon, mas liberal at agresibo na sila sa kasalukuyan. Gayunpaman, ang liham na ito ay nagpapaalala na irespeto natin ang mga kababaihan , mahalin at huwag sasaktan. Higit sa lahat, mahalin natin ang ating mga ina na siyang humubog ng ating kamalayan at unang nagturo sa atin na rumespeto at magmahal.
        Nakakatuwa talaga ang PI 10, nadidiskubre ko ang ibang "side" ni Dr. Jose Rizal at napag aalaman ko ang mga akda niya na ngayon ko lang nabasa, katulad ng liham na ito para sa mga kababaihan ng Malolos. 

Juan Tamad?

Week 3
Sobre la indolencia de los filipinos


       Tamad ka ba? Grabe ang pagtatanggol ni Dr. Rizal sa mga Pilipino. Hindi tayo tamad, marami lamang mga aspeto o dahilan kung bakit ganito tayo magtrabaho. Pangunahin na rito ang klima at ang pagkakaimpluwensya at maling pagtuturo ng mga prayle ang isa pang dahilan. Ang pagiging tamad "daw" ng mga Pilipino noon ay sandata din nila upang gumanti sa mga mapangabusong Kastila (weapon of the weak). Ngunit nagyon ba, sandata sin ba natin ito laban sa gobyerno, sa ating mga mga guro at sa ating mga magulang? O sadyang tamad na tayong mga Pilipino.
      Matapos kong basahin ang "The Indolence of the Filipino", napagtanto ko na may angking katamaran ang amg Pilipino. Sinabi rin ito ni Dr. Rizal na may kontribusyon tayo sa ating pagiging tamad at hindi dapat ibigay ang lahat ng sisi sa mga Kastila. Bilang isang Isko, madalas kong maranasan ang sakit na katamaran, subalit ngayon, parang nakakahiya ng mag-cram kasi naiisip ko na pinagsasabihan ako ni Dr, Jose Rizal (nakakahiya naman sa kanya). Ang sulat ni Rizal na ito at ang diskusyon sa klase ay talagang nangusap sa akin. Kung tayo ay magiging tamad, pinahiya na din natin si Dr. Rizal dahil malaking porsyento ng ating katamaran ay mula sa ating sarili. Sayang naman ang pagtatanggol nya sa ating mga kapwa Pilipino kung ipapakita nating tama ang mga Kastila, na tamad tayo at hindi sila nagkakamali. Dapat hindi na tamad si Juan, gawin nating Juan Masipag.
 

Ginisa sa Sariling Mantika

Week 3
Mga Anotasyon ni Rizal sa Sucesose de las Islas Filipinas

     Nag-iisip tlaga si Dr. Rizal. Alam niyang hindi nya kayang salungatin ang mga paratang ng mga Kastila sa ating basa kung gagamitin lamang ang testimonya ng kapwa niya Pilipino. Kahit na ito ay totoo, hindi rin sila papaniwalaan ng mga Espanyol. Kung ako ang nasa kalagayan ni Dr. Jose Rizal, hindi ko na siguro maiisip ang ganoong paraan sa sobrang galit ko sa mga mananakop. Ngunit nagawa niya iyon at pinagtiyagaan nyang kopyahin ang aklat ni De Morga dahil wala pa namang photocopying center noon. Ipimuka niya sa mga Kastila na may sistema at sibilisado na ang Pilipinas bago pa man sila dumaong sa ating baybaying-dagat. Hindi rin totoo ang sinasabi nila na tutulungan nila tayo at kailangan natin sila para magkaroon ng kaayusan sa Pilipinas. Kung tutuusin nga ay sila pa ang gumulo at nagpadilim sa ating bayan.
      Ipinakita ni Dr. Jose Rizal sa anotasyong ito na tayong mga Pilipino ay may kakayahan at hindi natin sila kailangan upang tayo at alalayan at akayin. Kaya nating tumayo sa sarili nating mga paa. Tao na tayo bago pa man sila dumating, nakabihis at may matitirahan. Ang anotasyong ito ang sumasalamin sa dakilang nakaraan ng ating bayan. Ang araling ito ang nagmulat sa akin tungkol sa mga unang Pilipino, unang kultura at unang sistema ng ating bansa. Maging taas noo tayo na tayo ay Pilipino. Nakakalungkot man na nabahiran na ng kulturang banyaga ang ating  pamumuhay, marami pa rin tayong dapat ipagmalaki. Maaari pa rin nating ipagsigawan na tayo ay mga Pilipino.